Dahil sa pamahalaan, buhay na naman ang naging kapalit ng kanyang kakulangan. Tatlong Pilipino ang binitay sa Tsina dahil sa kanilang paglabag sa batas nito. Isa na naman itong pangyayaring dulot ng lantarang pagkawalang bahala ng ating pamahalaan sa isang pangkalahatang perspektibo.
Ngunit ating isipin, hindi lamang ang buhay ng tatlong ito ang napaglaruan. Sa katunayan, sa pangaraw-araw na pangyayari, buhay nating lahat ang napaglalaruan ng mga kakaunting indibidwal na naguusad ng kanilang mga pansariling interes.
Marahil ay dapat nating palakasin ang panawagang ayusin ang mga karapatan ng mga OFW. Hindi tago sa ating lahat na maraming karahasang nangyayari sa mga kababayan nating nagtra-trabaho sa ibang bansa. Mula dito sa Pilipinas hanggang sa mga amo nilang dayuhan. Na ang kanilang ikabubuti at isinasantabi kapalit ng salaping para sa kanila, ay makakatulong sa mga pamilya nilang nandito sa Pilipinas. Ang nangyari sa tatlong binitay sa Tsina ay isang konkretong halimbawa sa kung saan ay hindi binabantayan ng pamahalan ang mga taong lumalabas sa Pilipinas upang manilbihan sa ibang bayan.
Sino ang mga recruiter ng mga ito? Paano sila nagkaroon ng droga na ayon sa balita, ay kanilang dinala sa Tsina. Paano sila naging mga "drug mule"? Hindi ba't responsibilidad ito ng POEA at ibang sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa mga OFW? Na bago pa man makalabas ng Pilipinas ang mga ito, at maski sila ma'y nasa ibang bansa na, ay mabantay ang mga ito? Malinaw sa kasong ito ang matinding kakulangan ng kasalukuyang sistema. Ngayong malinaw na ang mga butas at gusot (na sa aking paniniwala ay dati nang mga problema), ano na ang mga lohikal at rasyonal na hakbang na gagawin upang sulosyonan ang mga suliraning ito?
Higit sa lahat, ano ang dahilan at kinailangan nilang gawin ang mga ito? Bakit pa nila kailangang lumabas ng Pilipinas upang maghanap ng trabaho na magbibigay ng sapat o higit na sahod upang buhayin ang kanilang mga pamilya?
Sabi nila, ang OFW ang bagong bayani. Na sa kanilang pagsisikap at sakripisyo, hindi lamang ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya ang kanilang natutustusan. Tinutulungan din nila ang bayan. Ngunit, nababahala ako sa konsepto ng "OFW, bagong bayani". Nababahala sa kadahilanang ang ideyang ito ay nagagamit ng pamahalaan sa mahusay na paraan upang ikondisyon ang mga tao na manilbihan sa ibang bansa. Na kahit ano pa man ang trabaho nila sa mga ito, paguwi nila sa Pilipinas, ay bayani ang turing sa kanila.
Bakit kailangan palakasin ng pamahalaan ng ideyang ito? Bakit kailangan niyang hikayatin ang mga mamayan? Dahil ba sa kakulangan nitong makapagbigay ng trabaho na makakapagbigay ng sapat na suporta para sa mga pamilya ng bawat Pilipino? Tinatanggap na ba ng ating pamahalaan ang kanilang kakulangan, ngunit ginagawan ng solusyon sa maling paraan? Hindi nito ginagamot ang malubhang karamdaman. Kung baga sa malaking sugat, first aid lang ang ginawa. Pagkatapos ay bahala na.
Ang naging sakripisyo ng tatlong Pilipino at ng kanilang mga pamilya ay hindi dapat mapasawalang bahala na lamang. Ang pangyayaring ito ay isang malinaw na halimbawa ng kakulangan ng ating pamahalaan. Isang kakulangan na dapat nitong gampanan. Ngunit, tulad ng mga isyung nangdaan, dahan-dahan itong makakalimutan. Ating palakasin ang panawagang ayusin ang kasalukyang sistema.
Ilang OFW pa ba ang kailangang bitayin? Ilang tao pa ba ang kailangan magdusa, maghirap o kaya'y mamatay dahil sa kakulangan ng pamahalaan? Ang kanila bang mga karanasan ay muling kalilimutan?
No comments:
Post a Comment