Inaamin ko, malaking tapang ang kailangan ipunin para sabihin sa boss mo na hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Paano mo nga naman ito gagawin kung malaki ang utang na loob mo sa kanya? Na ang trabahong kinaiingat-ingatan mo ay siya mismo ang nagbigay. Sa madaling salita, appointed ka.
Totoo nga naman diba? Ika nga sa isang kasabihan, "You don't bite the hand that feeds you." Kaso na lamang ito ng pagkakaroon ng delikadesa at pagtanggaw ng utang na loob (isang bagay na sadyang magaling tayong mga Pilipino). Ngunit paano nga talaga kung ganoon? Na kahit baliktarin mo man ang mundo at dalhin mo sa norte ang Pilipinas at magkakaroon dito ng snow, eh mali talaga? Eh paano pa kaya kung ikaw at ang boss mo ang siyang may kasalanan sa kasablayan? Quiet ka na lang? Pwede. Eh paano kaming mga naapektuhan? Quiet na rin lang?
Siguro ay nararapat nang sabihin na lahat ng estudyante sa loob ng Unibersidad ay malay na tungkol sa isyu ng Budget Cut. Na 1.39 Billion ang tatanggalin sa pondong nakalaan para sa mga SUC (State Universities and Colleges). Kung wala kang alam dito, mahiya ka naman. Maski ata si Zorro ay alam 'to. What have you been smoking bro?
Ayon sa lohika ng budget cut na ito, inaasahang ang mga SUC ang siyang maglalaan at gagawa ng sarili nitong pondo upang tustusan ang kakulangan ng mga ito sa budget. Sa salitang Ingles, "Self-Sufficient". Sa kaso ng U.P., upang maging self-sufficient ang Unidersidad, nararapat na maghanap ito ng paraan sa kung paano ito kikita ng pera. Paano? Sa pagtataas ng tuition fee na ayon sa mga nagpakana nito, ay masyadong mababa. Ok, sige. Taasan ang tuition at magkakaroon tayo ng dagdag na pondo. Ngunit dapat alalahanin na hindi lahat ng mag-aaral sa Unibersidad ay kayang bayaran ang tuition. Maski may STFAP (na kahit anong gawin ay sablay), hindi pa rin angkop ang binibigay na assessment sa kanilang estado sa buhay. Sa halaga ng tuition ngayon, marami pa rin ang hindi nakaka-enroll sa U.P. Kung yan ang kaso ngayon, paano pa kaya kung nagtaas pa ang tuition?
Madali lang ang sagot dito ng mga taong hindi nakararamdam ng hirap. "If you can't pay for quality education, then find a cheaper school." Hindi mo maaring sabihin ito sapagkat dapat mong isipin kung bakit nariyan ang mga SUC sa isang "Emerging Economy" (hindi na kasi ata Third World ang tamang terminolohiya). Nariyan ang mga SUC para bigyan ng pagkakataon ang mga taong hindi kayang mag-aral sa mga unibersidad tulad ng Ateneo, La Salle at UST. Na kahit nahihirapan sila, ay magkakaroon sila ng pagkakataong magkaroon ng dekalidad na antas ng edukasyon. Bukod pa rito, magkakaroon ang lahat, mayaman man o mahirap, ng pagkakataong magkaroon ng pantay-pantay na uri ng edukasyon. Sa madaling salita, kahit sino, pwedeng mag-aral sa U.P.
Pangalawang maaring gawing paraan ay ang ipahiram ang mga "Idle Assets" ng Unibersidad. Hindi ako tutol dito. Sa katunayan, marami nga naman talagang lupain sa U.P. ang nakatiwangwang lang. Ngunit, sa pagpapahiram ng mga ito, nagkakaroon tayo ng isang problemang hindi pinansin ng mga unang nagpahiram ng mga sinasabing "Idle Assets". Para kasi itong ibinigay na lamang ng libre sa mga pribadong kumpanyang gumagit sa mga ito. Tignan mo ang Technohub. Ipinapahiram ang Technohub sa Ayala sa napaka-liit na halaga. Sa halagang ito, hindi makakatulong ang kinikita dito para matustusan ang kakulangan ng Unibersidad sa budget. Kung magpapahiram man ang U.P. ng lupa, dapat nitong pagaralan ang kontra at gawing pabor para sa U.P. Hindi sa kumpanyang mangungupahan dito.
Maraming epekto at implikasyon ang pagkakaroon ng budget cut. Mabuti sana kung sadyang kulang ang Pilipinas sa pondo. Ang masama rito, bumaba nga ang pondo para sa edukasyon, tumaas naman ang budget para sa pork barrel, pulis at militar, intelligence fund at kung ano-ano pang sigurado namang mapupunta lamang sa bulsa ng iilan (Hindi ba't may nangako na lilipunin niya ang kurapsyon habang patungo tayo sa tamang landas?). Masklap pa rito, ang mga gumagawa nito ay ang siyang mga nasa tuktok ng lipunan. Ang mga taong sadyang di nakararamdam sa mga pangaraw-araw na suliranin ng ordinaryong mamamayan. Na ang kanilang perspekitbo ay ang kanilang pananaw lamang. Na nagmimistulan silang mga bulag, pipi at bingi sa tunay na kalagayan ng mga taong sinasabi nilang pinagsisilbihan nila.
Bakit ba ayaw kumuha ng boss nila ng mga taong may alam sa realidad? Na ang pananaw at pagintindi ay hindi nalilimitahan ng sarili nilang lipunang kinikilusan? Utang na loob. May mga niyayabang silang Masters, PhD, "I graduated from a world-class university that is currently number one in the Philippines", sobrang habang curriculum vitae. Wag mong sabihin na ang isang undergraduate ng BA Filipino na wala namang talagang kinalaman sa pagpapatakbo ng pamahalaan ay mas may alam sa kanila?
Sige, totoo nga na meron silang nakikita na hindi natin nakikita. Iba nga naman talaga ang punto de bista nila kumpara sa atin. Ngunit, kanino bang punto de bista ang kanilang tinitignan? Sa kanila ba at sa kanilang ideya ng bansa at pagiging-globalized ng Pilipinas? O ang punto de bista ng mamamayan na siyang nahihirapan? Ng isang lipunan kung saan ay mas naghihirap ang mahirap at lalong yumayaman ang mayayayaman? Please lang. Sa isang daang piso nung 2006, Cheese Burger Mc Do with large fries, large coke and apple pie ang mabibili mo. Ngayon, halos regular na lang ang mabibili mo. Yung sukli, pang bili ng tingi-tinging yosi.
Bilang patama. Ayon sa pelikulang Casino Royale, "Arrogance and self-awareness seldom go hand-in-hand." Bilang isang pinuno, ilang beses ka bang kailangan magmukhang tanga bago mo aminin sa sarili mo na mali o hindi mo alam ang iyong ginagawa? Ika nga sa mga Recollection, self-realization ang kailangan mo. Please lang, sa susunod na dumaan ka sa EDSA na walang wang-wang (ang lansangan ng Maynila ang isa sa mga metapora ng lipunang Pilipino), wag kang matulog. Buksan mo ang bintana mo at tanunging sa sarili mo habang nagsisindi ka ng sigarilyo, "Tangina, ano ba talaga ang dapat kong gawin?"
Maraming Salamat.